Inihayag ng Civil Service Commission (CSC) na muli na itong tumatanggap ng aplikasyon para sa Career Service Examination (CSE) sa mga Professional at Sub Professional levels.
Ang pagsusulit ay itinakda sa Oktubre 23, 2016.
Ang CSE ay requirement para sa mga Pilipinong nais magtrabaho sa gobyerno, at bukas sa lahat ng edad 18 pataas.
Maaaring magtungo sa mga CSC Regional Office (CSCRO) o mga CSC Field Office (CSCFO) ang sinumang nais mag-file ng application, at maaari ring alamin sa CSC website na www.csc.gov.ph ang listahan ng requirements.
Pinayuhan din ng CSC ang lahat na mag-apply nang maaga dahil bagamat sa Setyembre 1 pa opisyal na magsasara ang aplikasyon ay nagpapatupad ang mga CSCRO at CSCFO ng first-come, first-served basis. Kaya maaaring tapusin na ang pagtanggap ng aplikasyon kapag umabot na ang bilang ng aplikante sa target number.
Samantala, para sa 229,463 kumuha ng CSE noong Abril 27, ilalabas ng CSC sa website nito ang resulta ng pagsusulit makalipas ang 41 araw. Makukuha naman ang Certification of Eligibility 30 araw matapos ilabas ang resulta ng CSE. (Pamela Ann C. Bangayan)