Hindi na nahintay ng isang obrero na matupad ni presumptive President Mayor Rodrigo Duterte ang ipinangakong wawakasan ang contractualization sa bansa, matapos siyang magpakamatay sa pag-inom ng silver cleaner kasunod ng pagkakatanggal niya sa trabaho sa Malabon City, nitong Lunes ng gabi.
Dead on arrival sa Tondo General Hospital si Jonathan Odi, 31, ng Dulong Bronze Street, Barangay Tugatog ng nasabing lungsod, dahil sa matinding pinsala sa kanyang internal organ bunga ng pag-inom ng nasabing kemikal.
Ayon sa report, dakong 10:45 ng gabi nang madiskubre ng live-in partner ang pagkamtay ni Odi.
Kuwento ng ginang, na ayaw magpabanggit ng pangalan, nakipag-inuman pa si Odi sa mga kaibigan nito, at pag-uwi ay dumiretso sa kuwarto at natulog.
“Gigisingin ko sana para maghapunan, pero nagulat lang ako kasi bumubula ang bibig at wala nang malay,” sabi ng kinakasama ni Odi.
Nakita sa higaan ang isang baso na may latak pa ng nasabing kemikal.
Nabatid na simula nang ma-endo (end of contract) si Odi ay madalas na itong walang kibo. (Orly L. Barcala)