Dalawang katao ang kumpirmadong patay habang 15 ang sugatan nang magsalpukan ang isang van at isang tricycle sa Barangay Cansiboy, Burauen, Leyte, sinabi ng pulisya kahapon.
Ayon kay PO2 Samuel Alfino, ng Burauen Municipal Police, nakilala ang mga nasawi na sina Dimple Sales, 11; at Erica Sales, 24, nakatira sa Bgy. Tinao, Dagami, Leyte.
Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya na nanggaling ang mga biktima sa isang resort kasama ang pamilya nito, sakay sa isang tricycle, nang mangyari ang aksidente.
Sinabi ni Alfino na nawalan ng preno ang van habang kasalubong ang tricycle hanggang sa magkasalpukan ang dalawang sasakyan.
Sinabi ng pulisya na dead on the spot ang magkapatid na Sales habang isinugod naman sa Eastern Visayas Regional Medical Center (EVRMC) ang 15 pang pasahero ng van.
Kakasuhan ng reckless imprudence resulting to homicide ang driver ng van, na kabilang sa mga nasugatan. (Fer Taboy)