Tumatag sa kanilang pangingibabaw sa Group A ang University of Perpetual Help at Arellano University matapos magsipagwagi sa kanilang mga katunggali kahapon sa pagpapatuloy ng 2016 Fil Oil Flying V Preseason Premier Cup, sa Fil Oil Flying V Center sa San Juan City.

Nakamit ng dalawang koponan ang ikatlong sunod na panalo para manatiling magkasalo sa pamumuno, ang Altas kontra Emilio Aguinaldo College, 61-52 at ang Chiefs laban sa College of St.Benilde, 81-65.

Nagsanib puwersa sina Gab Dagangon at foreign center Bright Akhuetie upang pamunuan ang Altas.

Kapwa nagtapos na may 12 puntos ang dalawa, habang may idinagdag na 11 rebound si Akhuetie para sa isa na namang double-double performance.

Kendra Kramer, balik-paglalangoy; may mensahe sa mga atleta

Nanguna naman para sa Generals, na bumagsak sa ikalawang sunod nilang kabiguan, ang baguhang si Jervin Guzman na may 12 puntos.

Nawala ang kanilang lider na si Jiovani “The Bus Driver” Jalalon matapos magtamo ng sugat sa ibabaw ng kaliwang kilay makaraang tamaan ng siko noong second quarter, nag- takeover si Kent “ The Conductor” Salado upang pangunahan ang Chiefs kontra Blazers.

Mula sa 49-50 na pagkakaiwan sa kalagitnaan ng third quarter, pinangunahan ni Salado ang paglalatag ng 21-4 run na nagbigay sa Chiefs ng kalamangan, 71-54 sa bungad ng fourth quarter.

Tumapos si Salado na may 13 puntos, siyam na rebound at anim na assist. (Marivic Awitan)