DRAMATIC actress si Iza Calzado, pero tuwang-tuwa siya nang i-cast siya ni Direk Quark Henares sa romantic-comedy movie na My Candidate, na hindi naman tungkol sa katatapos na eleksiyon, kundi ipakikita lang ang funny side ng politics. 

Hindi ba siya nagdalawang-isip na tanggapin ang offer ni Direk Quark na ibang-iba sa klase ang characters na dati niyang gagampanan?

“Hindi, hindi na ako nag-isip, dahil matagal ko nang friend si Direk Quark,” sagot ni Iza. “Saka sino naman ang tatanggi kung ang producer mo ay cash kung bayaran ka ng talent fee kapag nag-shooting ka. Ang sarap yatang magtrabaho kung ganoon ang trato sa iyo.

“Saka first time akong gaganap ng ganitong role, isang todong maldita ang peg ko. Very ambitious ang character ko na dating boyfriend ko si Derek Ramsay sa story. At kahit nga dati kaming may relasyon, pinili ko pang kalabanin siya nang kumandidatong senador, nagsenador din ako. 

'TrilYULO:' Dennis, kumasa rin sa croptop challenge!

“Nag-enjoy ako sa bago kong character, tawag nga sa akin ni Derek, na first time ko pa lamang nakatrabaho, halimaw daw ako sa pagka-scheming ng character ko. Pero ang sarap din namang katrabaho ang tulad ni Derek na napakahusay din at si Shaina (Magdayao) na ngayon ko rin lang nakatrabaho, ay kamukha ko ring madalas na nagda-drama.

“Dito, off-beat naman ang role niya. Sana ay ma-enjoy ninyo ang movie namin na tatawa naman kayo pagkatapos ng kung anu-anong nangyari noong eleksiyon, simula sa Wednesday, May 11.”

Kababalik lang ni Iza mula sa pagkuha niya ng short acting courses sa Los Angeles, California. Naghahanda lang naman daw siya sa future niya, kaya gusto niyang ituloy pa ito kapag nabigyan siya muli ng chance na makabalik sa LA.

“Sa ngayon kasi may bago akong gagawing teleserye sa ABS-CBN, kasama ko sina Bea Alonzo at Ian Veneracion, to be directed by Jerry Sineneng, by June. At nag-start na rin ako sa isang psycho-thriller movie na idinidirek ni Jerald Tarog, na very sensual naman ang character ko.”

Kumusta naman ang love life niya, akala namin ay sunod na siyang ikakasal at sa LA daw sila maninirahan ng boyfriend niyang si Ben Wintle.

“I want to feel it muna, hindi na naman ako bata, pero not this year siguro,” napangiting sagot ni Iza.

(Nora Calderon)