Radiohead copy

BINALIKAN ng bandang Radiohead, na sa nakalipas na dalawang dekada ay nakilala sa experimentation, ang kanilang rock roots sa matagal nang inaabangang album na ini-release nitong nakaraang Linggo.

Nitong Biyernes lamang inihayag ang release, ang A Moon Shaped Pool ang ikasiyam na album ng bandang nakabase sa Oxford, England — at bilang paninindigan na rin sa prinsipyo ng grupo, ibinoykot ng Radiohead ang nangungunang streaming service na Spotify.

BAGONG TUNOG NG ORIGINAL ROCK

Mga Pagdiriwang

ManilART 2024: Alamin ang iba’t ibang sining na tampok dito

Pinangunahan ng Radiohead ang bagong kabanata sa kultura ng musika noong kalagitnaan ng 1990s nang umiwas ito sa jamming guitars na iniuugnay sa alternative rock at piniling magpasimula ng synthesized innovation sa mga seminal album na kinabibilangan ng OK Computer at Kid A.

Malinaw na hindi pagbabalik-tanaw sa nakalipas ang layunin ng A Moon Shaped Pool, pero itinatampok nito ang ilan sa most accessible music ng banda.

Ang Burn the Witch, ang unang awitin mula sa album, ay nilakipan ng strings ng London Contemporary Orchestra, ngunit sa kabuuan ay isang istriktong rock song na may hard-driving bassline, habang mass hysteria naman ang tinutumbok ng frontman na si Thom Yorke sa mga lirikong gaya ng “This is a low-flying panic attack.”

Buhay na buhay naman ang orihinal na Radiohead rock sa awiting Desert Island Disk, na may minimalist acoustic guitar, gayundin ang malungkot na Decks Dark.

Kilala si Thom bilang abstract lyricist, ngunit ini-release ang A Moon Shaped Pool isang taon matapos niyang makahiwalay ang longtime partner niyang printmaker na si Rachel Owen, at sa kasagsagan ng matinding pangangampanya ng bokalista para sa kalikasan.

PAGBOYKOT SA SPOTIFY

At dahil tuluy-tuloy sa pagsusulong ng mga pagbabago, sa nakalipas na mga taon ay sinikap ng Radiohead na magkaroon ng mga naiibang paraan ng pagre-release ng album. Noong 2007, inimbitahan ng banda ang fans na magbayad ng anumang makakayanan para ma-download ang In Rainbows.

Mas naging kumbensiyonal naman ang Radiohead para sa A Moon Shaped Pool. Direkta na itong nagbenta ng downloads mula sa website nito at sa loob lang ng isang oras ay naging available na rin ang album sa streaming services, gaya ng Apple Music at Tidal — maliban sa Spotify, ang pinakamalaking kumpanya sa sumisikat na sektor.

Matatandaang hayagan kung batikusin ni Thom ang Spotify — noong 2013 ay inilarawan ang papel nito sa industriya ng musika bilang “the last desperate fart of a dying corpse.”

Hindi gaya ng ibang streaming services, ang Spotify ay may free tier na suportado ng advertising.

Ang A Moon Shaped Pool ang unang album ng Radiohead pagkatapos ng The King of Limbsnoong 2011. Ang CD at vinyl versions ng album ay ilalabas sa Hunyo 17. (Agencé France Presse)