Dennis & Jennylyn

Ni NORA CALDERON

IN character si Dennis Trillo habang kausap ng entertainment press sa launching ng Juan Happy Love Story. Sexy and naughty ang concept ng bagong serye na pinagtatambalan nila muli ni Heart Evangelista.

Gaano ka-naughty ang role niya bilang si Juan na isang certified chick magnet?

'TrilYULO:' Dennis, kumasa rin sa croptop challenge!

“Isang  salesman ng mga kotse si Juan at ginagamit niya ang charm at good looks niya para mang-uto ng mga babaeng kliyente,” natatawang kuwento ni Dennis.  “Tuwing may taping kami, may babae akong customer.”

Five years ago, naughty raw siya. Hindi na raw ngayon.

Biniro tuloy siya kung ngayon ay ready at seryoso na ba siya para sa isang babae lamang.

“Sa totoong buhay? Oo naman.  Siguro, sabihin nating mas mature na ako ngayon, huwag munang seryoso, kasi parang nawawala na iyong fun kapag seryoso na kayo. Mas open-minded na ako ngayon, mas masaya na ang relasyon.”

Hindi ba naman siya takot magpakasal?

“Hindi naman ako takot, hindi pa lang ako ready ngayon. Ayoko kasing i-pressure ang sarili ko sa kasal. Kapag na-pressure ka sa isang bagay, baka hindi rin maganda ang kalabasan. Ayaw kong bigyan ng taning ang sarili ko dahil hindi naman ito karera, so enjoy lang muna bawat araw.”

Happy ang married life ng katambal niyang si Heart, siya ba happy rin ang lovelife?

“Hindi ko pa alam kung ano ang magiging ending, but so far, happy naman ito.”

Diniretso na si Dennis sa tanong kung mas happy sila ngayon ni Jennylyn Mercado, the second time around?

“Palagay ko, oo, mas masaya kami ngayon.  Siguro dahil mas kilala na namin ang isa’t isa ngayon kaysa noon, plus factor iyon sa amin.”

Pareho silang busy ngayon ni Jennylyn sa kani-kaniyang projects na ginagawa. Wala bang selosan sa kanila ngayon ni Jen na ang katambal nito sa movie ay si John Lloyd Cruz at siya naman, kay Heart?

“Wala naman, matagal na kaming artista ni Jen, kaya wala nang ganoong problema na nai-encounter.  Sa ngayon, nagiging masaya kami ni Jen sa success ng bawat isa. Iyon ang sa palagay kong mas mahalaga, kaysa magselos kami sa isa’t isa.”

Hiling pa ni Dennis, panoorin daw ang Juan Happy Love Story na tiyak na marami ang makaka-relate sa story, mula sa direksiyon ni LA Madridejos at mapapanood na simula sa May 16, pagkatapos ng Once Again sa GMA-7.