May 21, 2026

Home BALITA National

'First in Philippine History!' De Lima, pinagdiinan 2nd impeachment ni VP Sara sa Kamara

'First in Philippine History!' De Lima, pinagdiinan 2nd impeachment ni VP Sara sa Kamara
Photo courtesy: Leila de Lima/FB, via Balita


Binigyang-diin ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Atty. Leila de Lima ang ikalawang impeachment na kinaharap ni Vice President Sara Duterte sa House of Representatives (HOR), na siyang maituturing na kauna-unahan sa kasaysayan ng Pilipinas.

Kasunod ito ng pagkaka-impeach ng Kamara kay VP Sara  noong Lunes, Mayo 11, kung saan 257 ay pumabor sa impeachment ng Pangalawang Pangulo, 25 ang tutol, at siyam naman ang nag-abstain.

KAUGNAY NA BALITA: Cendaña kay Dela Rosa: Pumasok lang para mamulitika, ipagtanggol VP Sara-Balita

“First in Philippine history for a Vice President to be impeached twice,” saad ni De Lima sa ibinahagi niyang pahayag noong Lunes, Mayo 11.

Aniya, “Patunay si VP Sara na hindi lahat ng naiiwang legasiya sa kasaysayan ay karangalan. Sa pag-apruba ng Kamara sa Justice Committee Report at Articles of Impeachment, matagumpay nating pinausad ang proseso ng pananagutan.”

“The momentum for truth, the thrust for accountability is UNSTOPPABLE,” dagdag pa niya.

Giit pa ng kongresista, hindi raw importanteng balita ang pagbabago ng liderato sa Senado, bagkus idiniin niya ang kahalagahan ng mga botong pumabor para sa pagpapatalsik sa Bise Presidente.

“Ang mahalagang balita ngayon ay hindi ang pagpapalit ng liderato sa Senado, kundi ang pagboto ng 257 na House Members pabor sa pagpapatuloy ng impeachment,” anang kongresista.

Aniya, “Ang hamon at panawagan ngayon sa buong Senado, hindi lang sa bagong liderato, gampanan nila ang kanilang mandato at tungkulin sa Konstitusyon. In this impeachment, it is not only VP Sara who would be on trial; kasama sa huhusgahan ng taumbayan ang mga Senador.”

“People are watching. Mulat at tayang-taya na ang taumbayan. Hindi sila magwawalang kibo lamang. Tuloy na tuloy na tuloy ang laban!” pagtatapos ni De Lima.

Sa kaugnay na ulat, matatandaang ipinagdiinan naman ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno ang aniya’y “constitutional duty” ng Senado sa impeachment ni VP Sara.

“The Senate now must fulfill its constitutional duty to convene forthwith as an impeachment court once the Articles of Impeachment are transmitted,” saad ni Diokno sa kaniyang pahayag noong Lunes, Mayo 11.

MAKI-BALITA: Diokno sa pagkaka-impeach ni VP Sara: 'The Senate now must fulfill its constitutional duty!'-Balita