Naitala ng University of the Philippines ang makasaysayang kampeonato sa UAAP football nang walisin ng Maroons ang men’s at women’s championship sa Season 78 nitong Huwebes ng gabi, sa Rizal Memorial football stadium.

Ginapi ng Maroons ang Ateneo Blue Eagles, 4-1, habang nakopo ng Lady Maroons ang kauna-unahang titulo sa women’s class nang ungusan ang La Salle Lady Booters, 2-1.

Naiskor ni Ma. Angeliza Sta. Clara ang winning goal sa ika-67 minuto para makopo ng Lady Maroons ang unang titulo mula nang sumabak sa torneo noong 1996.

Golden Boy rin! Karl Eldrew Yulo, sumungkit ng gintong medalya sa Thailand

Naipatikim din ng UP ang kauna-unahang kabiguan sa La Salle ngayong season. Umusad sa championship round ang Lady Archers na liyamado matapos walisin ang elimination round.

Nanguna naman sa Maroons si Kintaro Miyagi na kaagad na iniaalay ang panalo ng koponan sa teammate nilang si Rogie Maglinas na pumanaw nitong Pebrero dahil sa ‘rhabdomyosarcoma’ isang uri ng cancer sa skeletal muscles.

“I’m happy that compared to last year’s performance, the way we played this season is several notches above in terms of fight and effort. Icing on the cake na lang ‘yung finals,” sambit ni UP coach Anton Gonzales, coach ng dalawang koponan.

Naitala ni Miyagi ang unang goal sa ika-28 minuto, bago sinundan ni Daniel Gadia sa ika-34 minuto para sa 2-0 bentahe.

Nakabawi ang Ateneo mula kay Mikko Mabanag sa ika-36 minuto, ngunit iyon ang huling pagkakataon sa goal ng Blue Eagles.

Nagdagdag pa si Miyagi ng goal sa ika-69 minuto bago tuluyang ibinigay ang panalo sa Maroons sa ika-80 minuto mula sa pasa ni Sohiel Bidar.

Samantala, nakamit ni Raphael De Guzman ng La Salle ang Best Goalkeeper award, habang napunta kay Chy Villasenor ng Far Eastern University ang Best Defender honor.