Pinaghahanap na ng pulisya ang isang lalaki na ilang beses na nagmura at sumuntok pa sa isang nurse dahil sa pagsisiksikan sa loob ng isang shuttle sa Quezon City nitong Martes, at ang video ay naging viral sa social media.

Ang naturang video ay kuha ng isang Soy Gonzales, na pasahero rin sa shuttle nang mangyari ang insidente.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Joana Mangubat, 22, habang ang suspek ay si John Michael Musni Arellano.

Inihahanda na ni Mangubat, nurse sa Bernardino General Hospital sa Quezon City, ang paghahain ng kasong kriminal laban kay Arellano sa Quezon City Police District (QCPD)-Police Station 5 (Fairview) matapos siyang pagmumurahin at suntukin umano ni Arellano sa loob ng sasakyan, dakong 12:40 ng tanghali nitong Martes, sa Zabarte Road, Novaliches.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Base sa salaysay ni Mangubat, nairita si Arellano matapos na hindi niya pagbigyan ang hiling nito na ibigay niya ang kanyang lugar para upuan ng asawa nito. Idinahilan ni Mangubat sa suspek na malapit na rin siyang bumaba.

Nang hindi pinagbigyan ng biktima, bigla na lang siyang pinagmumura ni Arellano sa harap ng iba pang pasahero. At sa pagbaba ni Arellano sa sasakyan ay sinuntok pa nito si Mangubat. (Vanne Elaine P. Terrazola)