Halos 100 kilo ng high-grade shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng P500 milyon, ang nakumpiska ng mga tauhan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) sa tatlong Taiwanese na operator ng isang shabu laboratory sa isang eksklusibong subdibisyon sa buy-bust operation sa Muntinlupa City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni NCRPO Director Joel Pagdilao ang mga naaresto na sina Pong Jung, 19, binata; Chen Hu Min, 27; at Eugene Chong, 24, pawang Taiwanese at naninirahan sa No. 325 Tamarind Drive, Ayala Alabang Village, Muntinlupa.
Dakong 1:15 ng umaga nang dakpin ng mga tauhan ng Regional Anti-Illegal Drugs (RAID) ang mga suspek matapos bentahan ni Pong ng 25 kilo ng shabu ang pulis na poseur buyer sa bahay ng mga suspek sa Ayala Alabang Village.
Matapos ang naturang transaksiyon, agad sinalakay ng awtoridad ang bahay at natuklasan sa loob nito ang isang maliit na laboratoryo at narekober ang halos 55 kilo ng shabu, iba’t ibang kemikal, at kagamitan sa paggawa ng shabu.
(BELLA GAMOTEA)