ANG kagustuhan daw ng mga tao ang siyang boses ng Diyos. Totoo ba ito ngayon sa darating na halalan? Totoo pa ba ito nang ihayag ang mga salitang “Vox Dei, Vox Populi” noon at sa kasalukuyan? ‘Di ba’t nang itanong noon ni Pontius Pilate (Pilato) kung sino ang nais nilang palayain kina Kristo at Barrabas, ang pinili ng mga Hudyo ay ang tulisan kaysa Mangangaral? Tinig ba ito ng Diyos?
Sa eleksiyon sa Pilipinas, may mga kandidatong nahahalal dahil sa pandaraya at paggamit ng tatlong “G “na ngayon ay nadagdagan pa raw ng isa pang “G”.
Ang tatlong “G” ay gold, guns, at goons. Ang pang-apat na “G “ay girls. Pero, ang girls ay pang-lalaki lamang. Eh, papaano sa mga babaeng botante? Puwede ba ang “B” (Boys)?
***
Noong Lunes, banner story sa isang English broadsheet ang pagpapalaya ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa 10 Indonesian sailor na dinukot nila may limang linggo ang nakalilipas lulan ng tugboat. May mga report na binayaran ang ASG ng P50 milyong ransom. Dahil dito, isang kaibigang journalist ng Reuters ang nagkomento ng ganito: “Ang nagbabanta pa lang na Abu na kikidnap kay Kris Aquino, ay nahuli na sa Laguna, pero hanggang ngayon ay hindi nila mahuli ang mga tulisan sa Sulu at Basilan sa kabila ng all-out offensive order ni PNoy.”
***
Naghihimutok si Manila Rep. Benjamin “Atong” Asilo, kandidato sa pagka-vice mayor ng Liberal Party, bunsod ng “paglaglag” sa kanya ni ex-Mayor Fred Lim kapalit ni Ali Atienza, anak ni Buhay Rep. Lito Atienza. “Mali ang sulsol ng nakapaligid sa kanya na si Ali ang leading sa survey”. Siya raw ang nangunguna sa survey alinsunod sa Smart Polls, isang respectable at international surveying firm at hindi si Ali.
Hindi siya kulelat sa hanay ng mga kandidato sa pagka-bise alkalde gaya ng sumbong ng mga supporter ni Lim. Hindi siya mayaman at walang pambili ng boto sa survey dahil may prinsipyo siya na ang iboboto ng mga Manilenyo ay tulad niyang galing sa kahirapan, anak ng isang tindera sa Pritil.
Patuloy siyang nagsisikap na tulungan ang mahihirap sa lungsod. May mga pabahay at proyekto para sa kababaihan, kabataan at matatanda (senior citizens). May pangakong P2,000 para sa mga matatanda. Nanindigan din siya para ma-relocate ang mga oil depot sa Pandacan dahil sa posibleng panganib na maidudulot nito sa buhay ng mga mamamayan.
Nais malaman ng Pambato ng Tundo kung ang “paglalaglag” sa kanya ni Fred Lim ay isang uri ng pagtatradyor sa partido, tulad ng akusasyon sa kanya ni Pareng Erap na isang pagtataksil ang pagkuha niya kay Ali bilang vice mayor, gayong si Asilo ang kasama niya noon pa. Dalawang beses na raw siyang pinagtaksilan ni Lim, ang isa ay ang pag-iwan sa kanya bilang DILG Secretary nang si Estrada ay ikudeta noong 2001. (Bert de Guzman)