Patay ang isang lalaki makaraan siyang pagbabarilin ng hindi nakilalang suspek habang nagpapahangin sa harap ng basketball court sa Islamic Center sa San Miguel, Manila, nitong Sabado ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Basari Mortarba, 55, ng Carlos Palanca Street, sa San Miguel.

Batay sa imbestigasyon ni PO3 Michael Marragun, ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, nangyari ang insidente dakong 7:00 ng gabi sa harapan ng basketball court sa kanilang lugar. 

Nauna rito, nagpaalam umano ang biktima sa kanyang misis na si Noraida, 36, na magpapalamig sa labas dahil sa sobrang init sa loob ng kanilang bahay.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Hindi pa natatagalan sa labas, nakarinig na ng dalawang putok ng baril si Noraida dahilan para tingnan kung sino ang binaril.

Dito na nakita ni Noraida ang asawa na nakabulagta at naliligo sa sariling dugo kaya kaagad niyang isinugod sa Philippine General Hospital ang biktima, na nagtamo ng tama ng bala sa ulo at dibdib ngunit nasawi rin.

Bigo naman ang pulisya na makakuha ng impormasyon sa pagpatay sa biktima maliban sa nailarawan ang tumakas na suspek na nakasuot ng short pants na may body bag at armado ng hindi pa tukoy na kalibre ng baril. - Mary Ann Santiago