Nadakip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isa pa sa tatlong nag-deface at nag-download sa voters’ list ng Commission on Elections (Comelec), sa operasyon sa Barangay Putatan, Muntinlupa City, nitong Huwebes ng gabi.

Ipinrisinta sa media nina NBI Director Virgilio Mendez at Comelec Chairman Andres Bautista, ang suspek na si Joenel de Asis, 23, IT graduate at empleyado ng isang semi-conductor firm.

Naaresto si De Asis dakong 9:00 ng gabi ng mga tauhan ng NBI Anti-Cyber Crime Division, sa pangunguna ni Ronald Aguto.

Kumpiyansa naman si Aguto na mahuhuli ang ikatlong hacker bago ang halalan sa Mayo 9.

'Mauubos lang ang oras ko:' Leila De Lima, iisnabin na lang mga basher

Una nang naaresto ng NBI ang hacker na si Paul Biteng, 23 anyos.

Nabatid na inamin ni De Asis na si Biteng ang pumasok sa Comelec website at siya ang kumuha ng mga datos, partikular na ang sa voters’ list.

Sa kanyang panig, tiniyak naman ni Bautista na makakasuhan si De Asis, katulad ng inihain laban kay Biteng.

“Dapat talagang kasuhan dahil malaking perhuwisyo na ang kanilang ginawa,” ayon kay Bautista.

Samantala, sinabi naman ni De Asis na pinasok nila ang website ng Comelec para patunayan na madali itong mapapakialaman ng mga hacker. (Mary Ann Santiago at Beth Camia)