ALICIA, Isabela – Isinugod sa ospital ang isang pulis makaraang pagtulungang bugbugin ng mga katunggali sa larong basketball sa bayang ito, iniulat kahapon.

Nagtamo ng mga pasa sa mukha at katawan ang biktimang si PO3 Alvin Bolima, 36, may-asawa.

Arestado naman ang mga suspek na sina Alfredo Taberna, Pedro Soberano, Danny Taberna, Freddie Buduan, Bernardo Taborgo Jr., Enteng Taberna, Amoy Angoluan, Sherwin Taberna, Ryan Angoluan, Eduardo Afante, Arnel Taberna at Jomar Taberna, pawang nakatira sa Rizaluna, Alicia, Isabela.

Sa imbestigasyon ni PO2 Randel Taruma, ng Alicia Municipal Police Station (AMPS), naganap ang insidente nitong Miyerkules ng gabi.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Nasa huling quarter na ang championship game nang tawagan ng foul si Bolima makaraang hindi sinasadyang masiko ang isang manlalaro ng kalabang koponan. Dahil sa pangyayari, kinuyog ng mga suspek si Bolima.

Umawat sa gulo ang mga barangay tanod at dinala sa ospital si Bolima, habang inaresto ang mga suspek na posibleng kakasuhan ng serious physical injuries. (Fer Taboy)