Dalawang pinaghihinalaang miyembro ng isang big time drug syndicate ang naaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos mabawi sa kanilang pangangalaga ang P10 milyon halaga ng high grade shabu sa ikinasang buy bust operation sa Parañaque City nitong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ni PDEA Director General Arturo Cacdac, Jr. ang mga naaresto na sina Mark Tu Tio, 33, isang Chinese, at ang Pinay na kakutsaba nito na si Cherry Ann Trinidad.

Base sa report ni PDEA National Capital Region chief Erwin Ogario, dakong 11:00 ng gabi , makaraang nagpositibo ang dalawang suspek sa lugar, agad inilatag ang buy-bust operation ng mga operatiba sa isang parking lot sa Sucat Road, Parañaque City.

Nasamsam ng mga awtoridad sa dalawang suspek ang dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P10 milyon, at puting Sedan PDI – 778 na ginagamit umano ng mga ito sa pagbebenta ng droga.

Eleksyon

Bagong halal na mayor ng Rizal, Cagayan 21-anyos pa lang; vice mayor, nanay niya

Nabatid ng PDEA na sina Tio at Trinidad ay kasapi ng isang malaking grupo ng sindikato na nasa likod ng pagbebenta ng shabu sa Metro Manila.

Nakadetine ngayon sina Tio at Trinidad sa punong tanggapan ng PDEA sa NIA Road, Barangay Pinahan, Quezon City matapos sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Jun Fabon)