Dalawang rehiyon ang magpapatupad ng dagdag-sahod sa susunod na linggo, kasabay ng Labor Day, ayon sa Department of Labor and Employment (DoLE).

Sinabi ni DoLE Secretary Rosalinda Baldoz na nagpalabas ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ng bagong wage order na nagdadagdag ng P45 sa minimum wage rate sa Cagayan Valley.

Eksaktong sa Mayo 1 magiging epektibo ang umento at sasaklawin nito ang mga kumikita ng minimum sa Isabela, Cagayan, Nueva Viscaya, Quirino, at Batanes.

Alinsunod sa bagong wage order, ang mga non-agriculture worker sa Region 2 ay tatanggap ng P300 kada araw, habang ang nasa agriculture at micro-business establishments ay susuweldo ng P280 at P260, ayon sa pagkakasunod.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Iniulat din ni Baldoz na magiging epektibo rin sa Labor Day ang pagkakaloob sa ikalawang bahagi ng Wage Order No. RBIII-19 para sa Region 3, na inaprubahan Enero ngayong taon.

“In Region 3, there will be wage increase of P7 for all minimum wage order on May 1 after the first tranche of P8 took effect last January 1,” ani Baldoz.

Saklaw naman ng umento ang Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, at Zambales.

Ang mga sumusuweldo ng minimum sa Aurora ay madadagdagan ng P10 ang suweldo, sa Mayo 1 rin, sa bisa ng Wage Order No. RBIII-19.

Samantala, sinabi rin ni DoLE-National Capital Region OIC Director Nelson Hornilla na itinakda sa Mayo 11 ang public hearing para sa dalawang wage hike petition sa Metro Manila, at sa susunod na buwan din gagawin ang deliberasyon sa taas-suweldo, depende sa kahihinatnan ng unang pagdinig. (Samuel P. Medenilla)