ISANG araw habang bumibiyahe si Boy Commute, naipit siya sa matinding trapiko sa isang lugar sa Maynila. Isa hanggang dalawang oras, halos hindi gumagalaw ang mga sasakyan.

Sa halip na maimbiyerna, nagpasya si Boy Commute na bumaba sa kanyang sinasakyang jeepney upang maghanap ng fish ball o mami.

Nagtataka si Boy Commute dahil bukod sa fish ball vendor, nagkalat din sa lugar ang iba pang nagbebenta ng ibang makakain tulad ng inihaw na isaw, barbecue, hotdog, at maging mainit na sopas.

Magtatanghali na at nagdesisyon si Boy Commute na kumain muna habang hindi gumagalaw ang traffic.

National

Kampo ni FPRRD, pinapa-disqualify 2 judge ng ICC

Sa kanyang unang higop ng mainit sabaw ng mami na tig-P20, napansin niya ang mga nagkukumpulang tao ilang metro lang ang layo sa karinderya.

Tanaw ni Boy Commute ang grupo na nakasuot ng T-shirt na pare-pareho ang kulay, orange.

Sa T-shirt ay may mukha ng isang kandidato na ‘tila tumatakbo sa pagkakonsehal.

Bukod sa kanilang kasuotan, may iba pang napansin si Boy Commute na may mga pila sa iba’t ibang sulok na kanya-kanyang grupo.

Sa gilid ng kalsada ay may mga nakaparadang pampasaherong jeep na pinagmumulan ng trapiko.

At dahil sa dami ng jeepney, walang traffic aide na maglakas-loob na sitahin ang mga driver na ‘tila kasama rin sa mga pila.

Bitbit ang mami, nilapitan ni Boy Commute ang mga nagkukumpulang tagasuporta ng tumatakbong konsehal.

Sa gitna ng bawat grupo, may isang ‘tila bastunero na may hawak na listahan. At bawat sigaw ng pangalan, may sumasagot ng “present!”

Umiral ang pagiging usisero ni Boy Commute.

Sa loob ng mga jeepney ay mga bulto ng food pack na de-numero at bantay-sarado.

Maging ang mga jeepney ay tadtad ng tarpaulin at bandera na may mukha ng ilang kumakandidato sa lokal na posisyon.

Mala-piyesta ang kapaligiran!

Sa dami ng tao, walang nakapansin kay Boy Commute habang nag-uusyoso.

Nang makiupo sa estribo ng isang nakaparadang jeepney, natanaw ni Boy Commute ang pagbunot ng isang lider ng grupo ng makapal na bulto ng tig-P500 na nakatali sa rubber band.

“Pumila na kayo!” sigaw niya.

Kunwari’y dedma lang si Boy Commute habang tinatapos ang kanyang mami nang simulan ng lalaki ang pamamahagi ng P500 na may kasamang food pack at bottled water sa mga nakapila.

“Galing kay Konsehal ‘yan,” kanyang bitaw sa bawat binibigyan ng “biyaya.”

Napangiti na lang si Boy Commute sa dami ng pera na ibinibigay sa mahabang pila.

Eleksiyon na nga talaga! (ARIS R. ILGAN)