KIEV (Reuters) – Ginunita ng Ukraine kahapon ang 30th anniversary ng Chernobyl nuclear disaster, na permanenteng nilason ang malaking bahagi ng eastern Europe at binigyang diin ang mga pagkukulang ng malihim na Soviet system.
Madaling araw ng Abril 26, 1986, pumalpak ang pagsusuri sa nuclear plant sa noo’y Soviet Ukraine na nagbunsod ng meltdown at nagpakawala ng nakamamatay na ulap ng atomic material sa kalawakan. Libu-libong katao ang inilikas.
Ang huling anibersaryo ng world’s worst nuclear accident ay nagbigay-pansin sa pagkukumpleto sa higanteng 1.5 billion euros na arkong bakal na magsasara sa nasirang reactor site at pipigil sa mga pagtagas sa susunod na 100 taon. Nagmula ang pondo sa donasyon ng mahigit 40 gobyerno.
Sinabi ni Ukrainian Prime Minister Volodymyr Groysman na dapat na ikonsiderang mabuti ng mundo ang mga aral ng Chernobyl.
Mahigit kalahati ng isang milyong sibilyan at militar sa dating Soviet Union ang ipinatawag para maglingkod bilang “liquidators” upang linisin at supilin ang nuclear fallout, ayon sa World Health Organization.