Tumatak naman ang pangalan ni Allan “The Leopard” Tanada sa international boxing scene nang pabagsakin si Indonesian champion Roy “The Sniper” Mukhlis sa ikawalong round para makopo ang bakanteng World Boxing Foundation Asia Pacific lightweight title kamakailan sa Delta Sports Hall sa Sirdoarjo, Indonesia.
“Nakatsamba tayo sa Indonesian,” pahayag ni Tanada sa text message.
Ang 24-anyos na si Tanada, kasamang sumabak dito si chief trainer Joven Jorda, ang dating World Boxing Organization (WBO) Asia Pacific Youth super featherweight champion at dating Orient Pacific Boxing Federation (OPBF) featherweight champion.
“Masayang masaya kami at maski papaano nagkaroon ulit tayo ng bagong champion. Malaking karangalan sa Filipino boxers saka chance nya ulit makalaban ng mas mataas na laban,” pahayag ng kanyang manager na si Brico Santig.
Ito ang ikaanim na world title ni Tanada sa magkakaibang division.
Napagwagian ni Tanada ng Highland Boxing Stable ang bakanteng WBO Asia Pacific Youth super featherweight via split decision kontra Jose Ocampo noong Agosto 7, 2010 sa Tanza, Cavite.
Nauna rito, nakopo ng pambato ng Ipil, Zamboanga Sibugay ang bakanteng OPBF super featherweight crown kontra Rikiya Fukuhara sa ikatlong round via TKO noog September 20, 2010 sa Super Arena sa Saitama, Japan.
Nabitiwan ni Tanada ang OPBF title kontra sa walang talong si Japanese Masao Nakamura via 5th round TKO noong December 5, 2010 sa IMP Hall sa Osaka, Japan.
Nakabalik naman ang Pinoy nang manalo via majority decision kay Mexican Juan Ruiz noong Nobyembre 11, 2011 sa Mandalay Bay Resort & Casino in Las Vegas.
Tangan ni Tanada ang kartang 13-4-3, tampok ang limang TKO. Sumabak din siya kontra Sonny Katiandagho noong October 4, 2014 sa La Trinidad, Benguet at natalo siya via unanimous decision para sa bakanteng WBC Youth World super lightweight title. (Gilbert Espeña)