Naaresto at naibalik na sa Pilipinas ang isang overseas Filipino worker (OFW) na matagal nang pinaghahanap ng mga awtoridad dahil sa kasong umano’y paulit-ulit na panggagahasa sa sarili niyang anak.
Ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), nadakip ang suspek sa Bahrain sa tulong ng INTERPOL at mga awtoridad ng naturang bansa bago siya isinailalim sa deportation at ibinalik sa Pilipinas.
Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na naging posible ang pag-aresto sa pamamagitan ng koordinasyon ng NBI sa international law enforcement agencies bilang bahagi ng kampanya laban sa mga wanted na nagtatago sa ibang bansa.
Batay sa record ng kaso, may umiiral nang warrant of arrest laban sa suspek na inilabas ng korte sa Trece Martires City, Cavite kaugnay ng mga reklamong rape at paglabag sa mga batas na nagpoprotekta sa mga bata.
Lumabas sa imbestigasyon na dalawang beses umanong ginahasa ng suspek ang kaniyang anak noong 2015 at 2016 habang nakabakasyon siya sa Pilipinas mula sa kaniyang trabaho sa ibang bansa.
Ayon sa mga dokumentong nakalap ng mga imbestigador, naganap umano ang mga insidente sa loob ng kanilang tahanan kung saan tinutukan pa ng patalim ang biktima at pinagbantaang sasaktan ang bata kapag hindi nanahimik tungkol sa pang-aabuso niya.
Matapos maisampa ang kaso, nakalabas umano ng bansa ang suspek at nagpatuloy sa pagtatrabaho sa Middle East. Dahil dito, inilagay siya sa listahan ng mga wanted person at isinailalim sa international monitoring sa tulong ng INTERPOL
Ayon sa NBI, ang matagumpay na pag-aresto ay bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa mga akusadong nagtatangkang umiwas sa pananagutan sa pamamagitan ng pananatili sa ibang bansa.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya ng NBI ang suspek at sasailalim sa kaukulang legal na proseso. Hinihintay na rin ang utos ng korte kung saang detention facility ililipat ang suspek habang nagpapatuloy ang pagdinig sa kaso.
Samantala, muling nanawagan ang mga awtoridad sa mga biktima ng pang-aabuso, lalo na sa mga menor de edad, na magsumbong sa mga kinauukulan upang mabigyan ng agarang proteksyon at hustisya.