Pinagtibay ng huling survey ng Social Weather Station (SWS) ang resulta na inilabas kamakalawa ng Pulse Asia Survey na milya-milya na ang lamang ni PDP-Laban standard bearer Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa hanay ng mga kandidato sa pagkapangulo sa eleksiyon sa Mayo 9.

Sa nationwide survey na isinagawa nitong Abril 18-20, lumitaw na 33 porsiyento ng mga rehistradong botante ang boboto kay Duterte bilang susunod na pangulo ng bansa. Ito ay mataas ng anim na puntos kumpara sa 27 porsiyento na nakuha ng alkalde sa SWS survey nitong Marso 30 hanggang Abril 2.

Sinagutan ng 1,800 respondent, unang inilathala ang SWS survey sa BusinessWorld kahapon.

Ang survey ay isinagawa isang araw matapos bitiwan ni Duterte ang kontrobersiyal na “rape joke” tungkol sa sinapit ng isang Australian missionary noong 1989 sa kamay ng mga preso sa Davao City jail na umani ng batikos sa mga netizen.

National

Abalos, tiwala sa kakayahan ni bagong DILG Sec. Jonvic Remulla

“Kung ang eleksiyon ay gaganapin ngayon, sino ang pinakamalamang ninyong iboboto bilang Presidente, Bise Presidente, party list representative at mga senador ng Pilipinas? Narito ang listahan ng mga kandidato. Paki shade o itiman po ang naaangkop na oval katabi ng pangalan ng taong pinakamalamang ninyong iboboto,” saad sa survey form.

Si Duterte ay sinundan nina Sen. Grace Poe, ng Partido Galing at Puso, na nakakuha ng 24%; Liberal party standard bearer Mar Roxas, 19%; Vice President Jejomar Binay, ng United Nationalist Alliance, 14%; samantala, nakakuha si Sen. Miriam Defensor Santiago ng dalawang porsiyento mula sa tatlong porsiyento sa nakaraang SWS survey.

(LESLIE ANN G. AQUINO)