ALICIA, Isabela - Patay ang isang ginang habang sugatan naman ang kanyang asawa at kapatid niyang lalaki makaraang paulanan sila ng bala sa Barangay Victoria, Alicia, Isabela.

Sa panayam ng Balita kay Chief Insp. Santos Tecbobolan, hepe ng Alicia Police, nakarekober ang pulisya ng 18 basyo ng AK-47 na ginamit sa mga biktima.

Nasawi si Mabel Luison, 33, habang sugatan naman ang asawa niyang Joel Luison, 48, tricycle driver, gayundin ang kapatid ng ginang na si Michael Liban, 31, security guard, pawang taga-Bgy. Victoria, Alicia, Isabela.

Lumilitaw sa imbestigasyon na dakong 9:00 ng gabi nitong Linggo nang mangyari ang panloloob sa compound ng mga biktima, na nang mga sandaling iyon ay nakatutok sa panonood sa telebisyon ng debate ng mga kandidato sa pagkapangulo.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Ang tatlo ay pinagbabaril ni Antonio Benitez, 51, dating chairman ng Bgy. Victoria sa Alicia, na sinasabing lasing nang gawin ang krimen.

Wala pang malinaw na motibo sa pamamaril ni Benitez, na nakapiit na ngayon. (Liezle Basa Iñigo)