Dalawang pulis ang nagtamo ng sugat sa leeg at mukha makaraang biglang pumasok sa himpilan ng pulisya sa Escolta sa Maynila ang isang basurero at pinagtataga ang mga nakasalubong nito, gabi nitong Linggo.

Base sa imbestigasyon, dakong 11:45 ng gabi nitong Linggo nang biglang pumasok ang hindi pa nakikilalang suspek sa Escolta Police Outpost at tinaga sa leeg si PO1 Jerus Gonzales.

Tinangkang saklolohan ni PO1 Mark Osit si Gonzales subalit pinagtataga rin siya ng suspek sa kaliwang bahagi ng mukha at leeg, ayon sa police report.

“Bigla na lang pumasok. Akala nung mga pulis mga complainant… naunahan ‘yung pulis. Bigla na lang ginilitan ‘yung pulis. Uncontrollable na ‘yung suspect kaya binaril na siya nung mga pulis,” pahayag ni Supt. Romeo Juan Macapaz, hepe ng nasabing himpilan.

Eleksyon

COC Filing Day 5: Mga naghain ng kandidatura ngayong Oktubre 5

Isinugod ang mga sugatang pulis sa Justice Abad Santos General Hospital sa Binondo.

“’Yung isang pulis ko, sampu ang tahi sa leeg. Pagpapahingahin ko muna sila kasi may mga tahi sila,” dagdag ni Macapaz.

Samantala, isinugod din ang suspek, na nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan, sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center pero dead on arrival ito.

Inilarawan ng pulisya ang suspek na 40-45 taong gulang, 5’10” ang taas, malaki ang katawan, kalbo, at nakasuot ng brown shorts at walang pang-itaas. (Jenny F. Manongdo)