Nasawi ang isang 15-anyos na binatilyong may autism dahil sa dahil sa pananaksak ng isang mas nakatatandang lalaki na naganap sa Davao City.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakarinig umano ng sigaw at paghingi ng tulong ang ilang residente sa isang komunidad sa lungsod. Nang kanilang puntahan ang pinanggalingan ng ingay, tumambad ang biktima na nakahandusay at malubhang sugatan.
Agad siyang isinugod sa ospital ngunit hindi na umabot nang buhay.
Mula sa nakuhang CCTV footage, natukoy ng mga imbestigador ang pagkakakilanlan ng suspek na isang 55-anyos na lalaki na nakatira rin sa lugar.
Sa video, makikita ang kaniyang paglapit sa binatilyo bago naganap ang krimen.
Naaresto ang suspek makalipas ang ilang oras matapos ang insidente, ngunit hindi na narekober ang ginamit na patalim dahil umano’y itinapon ito sa isang daluyan ng tubig.
Sa paliwanag ng suspek, iginiit niyang pinakikialaman ng biktima ang kaniyang bisikleta, na sinasabing naging ugat ng insidente.
Nahaharap na ngayon sa kasong murder ang suspek habang nagpapatuloy ang mas masusing imbestigasyon ng pulisya.