Hinimok ng Bagumbayan senatorial bet na si Richard J. Gordon ang Commission on Elections (Comelec) na tiyakin ang pag-aresto sa lahat ng hacker na nasasangkot sa defacement at pagsasapubliko ng mga datos mula sa opisyal na website ng poll body at magsagawa ng karagdagang pag-iingat upang matiyak na hindi mamamanipula ng mga hacker at mandaraya ang resulta ng eleksiyon sa Mayo 9.

Ito ang naging panawagan ng dating senador makaraang maaresto ang isa sa mga umaming responsable sa pag-hack sa Comelec website.

“Nakakatakot ang confluence of events. Nadadamay dito ang kahalagahan ng demokrasya. Ang mga pipili ng kanilang mga susunod na leader ng bansa ay walang habas na na-hack ang records. Napaka-importanteng maging seryoso ang Comelec sa paghuli sa lahat ng hacker na ito. Dapat ding matiyak ng Comelec na walang magaganap na dayaan sa Mayo 9,” ani Gordon.

Nauna nang tiniyak ni Comelec Chairman Andres Bautista na tanging ang public information website ang na-hack at hindi ang website na gagamitin upang mai-display ang resulta ng botohan sa Mayo 9. Aniya, hindi makaaapekto ang defacement sa halalan dahil gagamit ang poll body ng panibagong website para sa mga resulta. - Beth Camia

National

De Lima, nag-react sa pahayag ni Espinosa na si Bato nag-utos na idiin siya sa illegal drugs