ufc copy

LAS VEGAS (AP) – Hindi sinipot ni Conor McGregor ang press conference para sa Ultimate Fighting Championship 200 title fight sa Hulyo.

Bunsod nito, muling inulit ni White ang naunang desisyon na hindi na kasama ang pinakasikat na fighter sa naturang programa na nakatakda sa Hulyo 9, sa MGM Grand sa Las Vegas.

“You have to show up to promote the fight,” pahayag ni White. “It’s part of the job. It’s what we do here.”

Mga Pagdiriwang

ManilART 2024: Alamin ang iba’t ibang sining na tampok dito

Sa kanyang mensahe sa Twitter, sinabi ni McGregor na nirerespeto niya ang pagpupursige ng kapwa fighter para makadalo sa press conference, subalit bumuwelta siya ng pahayag na “but not everyone up there made the company ($)400 million the last 8 months.”

Ang featherweight champion ang ipinapalagay na ‘Manny Pacquiao’ ng mixed martial arts kung saan hitik sa takilya ang bawat laban gayundin sa pay-per-view. Ngunit, nasorpresa ang MMA community sa hindi inaasahang TKO na kabiguan kay Nate Diaz sa nakalipas na buwan, dahilan para isaayos ang rematch sa UFC 200.

Subalit, nagkaroon ng hidwaan ang UFC management at si McGregor hinggil sa gawain ng fighter sa promotional tour, dahilan para mag-post si McGregor sa Twitter nang pagreretiro na kalauna’y binawi rin ng pamosong fighter.

Ngunit, naipahayag ni White na inalis na sa UFC 200 si McGregor at hinahanapan nila ng kalaban si Diaz. Iginiit naman ni Diaz na hindi siya lalaban kung hindi rin lang si McGregor ang kanyang makakatunggali.

“If it doesn’t happen I’m going on vacation,” sambit ni Diaz.

Sa press conference, bakante ang upuan na nakatalaga kay McGregor, ngunit nauna nang naipahayag ng kampeon sa Facebook na hindi uubra ang kanyang oras para makadalo sa naturang programa.

Iginiit ni White na gumastos na ang UFC ng $10 million para sa promotion ng UFC 200 kung kaya’t kailangan nila ang partisipasyon ni McGregor.

“People (other fighters on the card) came from Poland and Brazil. Is that fair?” sambit ni White. “It sets a bad precedent. These guys came in from all over the world and they’re here.”

Sinabi ni White na wala siyang sama ng loob kay McGregor at iginiit na bibigyan muli ng laban ang kampeon ngunit hindi sa UFC 200. Aniya, posibleng makalaban ni McGregor sa susunod na fight card ang mananalo sa pagitan nina Jose Aldo at Frankie Edgar, kapwa sasabak din sa UFC 200 card.

Nakalinya rin ang duwelo nina Miesha Tate, gumapi kay Holly Holm nitong nakalipas na buwan, kay Amanda Nunes ng Brazil. Posible rin, ayon kay White, na mailagay sa laban sina light heavyweight Jon Jones at Daniel Cormier kung magwawagi si Jones sa nakatakda nitong laban kontra Ovince Saint Preux sa Sabado (Linggo sa Manila).