Nadagdag ang Naga City, Camarines Sur sa humahabang listahan ng mga lungsod na nagsasagawa ng family-oriented at community physical fitness grassroots program ng Philippine Sports Commission (PSC) na Laro’t-Saya sa Parke (LSP).

Nilagdaan kamakailan nina PSC Chairman Richie Garcia, Naga City Mayor John Bongat, at Councilor Ray-An Cydrick Rentoy ang Memorandum of Agreement (MOA) para maisagawa ang programa na libreng nagtuturo ng iba’t ibang sports sa mga kabataan at miyembro ng pamilya.

“Nagpapasalamat tayo sa Naga City for adopting our program na ang asam ay mapalakas ang bonding ng bawat miyembro ng pamilya at maituro sa bawat miyembro ang kahalagahan ng sports. Alam naman natin na nagsisimula talaga at nadidiskubre ang talento sa sports habang kalaro mo ang pamilya mo,” pahayag ni Garcia.

Ang Naga City ang ika-17 miyembro ng lumalawak na pamilya ng PSC-LSP kung saan huling naidagdag ang Vigan City sa Ilocos Sur at ang General Santos City sa pamumuno ni Vice-Governor Jinkee Pacquiao.

Ilang volleyball stars pina-auction jersey; tulong sa player na may liver cancer

Isinasagawa ang programa sa Iloilo City Hall, Parañaque City Hall, Davao City People’s Park, Bacolod Plaza sa Bacolod City, Liwasang Aguinaldo sa Kawit, Cavite; Plaza Sugbu sa Cebu City, Pastrana Park sa Aklan Province, Quezon City sa Quezon City, Rizal Park sa Luneta, Burnham Park sa Baguio City, E-Park sa Tagum City, Plaza Burgos sa Vigan City, San Carlos City sa San Carlos, Negros Occidental, at Pinaglabanan Park sa San Juan. (Angie Oredo)