Kinasuhan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ng dalawang bilang ng malversation at dalawang graft si dating Davao Del Sur 1st District Rep. Marc Douglas Cagas IV dahil sa pagkakasangkot sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam simula 2007 hanggang 2009.
Ito ay matapos makitaan ng probable cause ng Ombudsman si Cagas para idiin sa nabanggit na mga kaso kasama sina Zenaida Ducut, Janet Lim Napoles, Dennis Cunanan, Antonio Ortiz, Mario Relampagos, at iba pa.
Napag-alaman na ang PDAF ni Cagas, na nagkakahalaga ng P11 milyon, ay kapapalooban ng dalawang Special Allotment Release Order (SARO) na naidaan sa National Agri-Business Corporation (NABCOR) at Technology Resource Center (TRC) bilang mga implementing agency (IA) sa pamamagitan ng People’s Organization for Progress and Development Foundation Inc. (POPDFI) at Social Development Program for Farmers Foundation (SDPFFI).
Ang dalawang organisasyon ay tumatayong non-government organization (NGO) partners para sa distribusyon ng agricultural production at livelihood packages, tulad ng pataba, pananim na buto, at sprayers.
Gayunman, ayon sa report ng Commission on Audit (CoA), ang mga PDAF project ni Cagas ay pawang ghost project at ang naturang mga NGO ay hindi accredited at peke.
Sinasabing si Cagas ay tumanggap ng P5.5 milyon bilang kabuuang komisyon, rebates o kickbacks mula sa kanyang PDAF-funded projects mula 2007 hanggang 2008, at ang bayaran ay ginagawa umano sa JLN office ni Napoles sa Ortigas, sa pamamagitan ng kanyang kinatawan na si Ducut, o sa pamamagitan ng fund transfers gamit ang account ng huli.
Jun Fabon