Walong taong pagkakakulong ang ipinataw na parusa ng Sandiganbayan sa isang dating provincial prosecutor ng Cavite matapos mapatunayan itong guilty sa pagtanggap ng P3,000 suhol upang paboran ang isang akusado na nahaharap sa kasong kriminal noong 2008.
Sa 15-pahinang desisyon, napatunayan ng Sandiganbayan Fourth Division na guilty beyond reasonable doubt si dating Assistant Provincial Prosecutor Carlos Catubao sa kasong direct bribery sa ilalim ng Article 210 ng Revised Penal Code.
Dahil dito, ipinag-utos ng korte na makulong si Catubao mula pitong taon, apat na buwan at isang araw hanggang sa walong taon at walong buwan.
Pinagmumulta rin ng korte si Catubao ng P9,000 na may kasamang special temporary disqualification sa paghawak ng ano mang posisyon sa gobyerno.
“There is likewise no question that the accused received a gift or present by himself," nakasaad sa desisyon na isinulat ni Fourth Division Chairman Jose Hernandez at kinatigan nina Associate Justice Alex Quiroz at Ma. Cristina Cornejo.
Lumitaw sa record ng korte na hinawakan ni Catubao ang kasong estafa na inihain laban kay Cornelio Ragasa noong 2007.
At nang nagsagawa ng follow-up ang abogado ni Ragasa na si Fernando Perito sa tanggapan ni Catubao, ilang beses na humirit ang prosecutor na “magpainom ka naman.”
Nang bumisita si Perito sa Guiana, Samar, muling humirit si Catubao ng P5,000 dahil mag-iinuman sila ng barkada dahilan upang magpadala ang abogado ng P4,000 sa pamamagitan ng courier service. (Jeffrey G. Damicog)