Naiuwi ni dating Palarong Pambansa gold medalist Macrose Dichoso at papasikat na si Joe Marie Jovelo ang tampok na korona sa 5km event ng Philippine Sports Commission-Araw ng Kagitingan Fun Run kahapon sa Quirino Grandstand sa Luneta Park.

Itinala ng dating understudy ni SEA Games long jump record holder Marestella Torres na si Dichoso ang mabilis na tiyempo na 18 minuto at 36.60 segundo upang pangunahan ang mahigit sa isang libong sumali sa 5 kilometrong kategorya at mahigit sa 2,000 sumali naman sa 3 kilometrong karera.

Tinalo ni Dichoso para sa P5,000 premyong cash ang dating marathon record holder at training pool member na si Joan Banayag na isinumite ang oras na 18:42.2 para sa P3,000 premyo habang ikatlo si Catherine Bristol na may 20:02.09 oras para sa P2,000 premyo.

Hindi naman nagpahuli ang Palaro veteran na si Jovelo na pinagharian ang men’s side sa oras na 15:48.39 segundo.

DepEd Sec. Angara na-starstruck kay EJ Obiena: 'We are proud of you!'

Pumangalawa si Mark Anthony Oximar na may isinumiteng 15:48.92 oras at ikatlo si Eveldy Abutas na may 15:55.46 tiyempo.

Nagpakitang gilas din ang ngayon ay 17-anyos iskolar sa Far Eastern University at dating Palarong Pambansa record holder sa athletics na si Joneza Mie Sustituedo sa isinumiteng 11:02.17 segundo sa 3 km kategorya.

Ikalawa ang 14-anyos mula St. Michael School of Laguna na si Leonalyn Raterta (11:12.36) habang ikatlo ang 21-anyos na si Cellie Rose Jaro ng University of the East-Manila (11:32.36).

Nagwagi sa men’s 3km distance ang 21-anyos mula Arellano University na si Nicko Cortez sa oras na 9:04.7 segundo kasunod si Philip John Gongob (9:14.3) at ikatlo ang 20-anyos mula FEU na si Andre Bardos (9:23.7). (Angie Oredo)