Pinayuhan ng isang opisyal ng Palasyo si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na harapin ang kasong plunder na inihain sa kanya sa Office of the Ombudsman sa halip na ibunton ang sisi sa gobyernong Aquino.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. na wala ring katotohanan ang alegasyon ni Marcos na ang administrasyong Aquino ang nasa likod ng paghahain ng bagong kaso laban dito, na itinuring ng mambabatas bilang “selective justice” na ipinaiiral ng gobyerno.

“Contrary to the claims of Sen. Marcos, government has no involvement in the reported case for plunder filed against him by an anti-corruption group,” iginiit ni Coloma. “If the good Senator strongly believes that he has nothing to do with the charges levelled against him, it is best that he respond in the proper forum.”

Nitong Miyerkules, naghain ang grupong iBalik ang Bilyones ng Mamamayan (iBBM) ng P205-milyon plunder complaint laban kay Marcos dahil sa umano’y paglustay nito sa kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF), o “pork barrel” fund.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file sa pagkasenador at party-list sa huling araw

Iginiit ng grupo na nakakulimbat si Marcos ng komisyon sa paglalaan ng kanyang PDAF sa mga pekeng non-government organization ng umano’y utak sa pork barrel scam na si Janet Lim Napoles. (Genalyn D. Kabiling)