Nakopo ni Allen Gerry Manlangit ang 18-and-under boys’ singles at doubles event sa opening leg ng 18th HEAD Junior Tennis Satellite Circuit nitong weekend sa Nazareth tennis court sa Cagayan de Oro City.

Naging malupit si Manlangit sa finals kay John Renest Sonsona, 6-1, 7-6 (5) saka nakipagpares kay Geo Serino sa paggapi sa tambalan nina Sonsona at kay Andrei Cuevas, 8-1, sa double class.

Umabot sa 150 entries mula sa mga lalawigan sa Mindanao ang pumalo sa taunang netfest.

Pinabagsak ni top seed Janus Ringia si second seed Matt Setve Palasan, 6-4, 6-3 sa boys’ 16-and-under class ng torneo na inorganisa ng Dynamic Sports.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Rumolyo naman si Richard Bautista ng 6-3, 7-6 (2) panalo kay David John Velez sa boys’ 14-under singles crown; balikwas si Velez sa 12-and-under division sa paghagupit kay Brent Cortes, 7-5, 7-5.

Nakuha naman ni No. 2 Aslan Carbonilla ang 4-1, 4-0 panalo kay Casey Padilla sa 10-and-under boys’ title.

Namayani si Rachel Patricia Velez kay Janelle Carmela Llavore, 6-4, 6-3, sa girls’ 18-and-under, habang dinaig ni Danielle Emma Ramirez si Rovie Baulete, 7-6 (2), 4-6, 10-8, sa girls’ 14-&-under diadem.

Si Velez din ang nakaharbat ng girls’ 16-and-under singles championship sa pagsilat kay top seed Gennifer Pagente, 6-4, 6-4.