Namatay ang isang pulis, kasama ang isa pang lalaki, matapos barilin ng isang barangay chairman, na nasugatan din sa engkuwentro sa Caloocan City, nitong Sabado ng hapon.
Dead on arrival sa Caloocan City Medical Center si PO1 Richmon Mataga, 22, binata, nakatalaga sa Police Community Precinct (PCP) 1, ng Malate, Manila, dahil sa mga tama ng bala ng .45 caliber pistol sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Makalipas ang ilang oras, namatay habang ginagamot sa parehong pagamutan ang isa pang biktima na kinilalang si alyas “Michael”, na napuruhan din sa barilan.
Kritikal naman si Ronald Romero, chairman ng Barangay 128, Caloocan City, dahil sa tama ng bala ng .9mm caliber sa katawan.
Ayon sa report, pasado 4:00 ng hapon at sakay si Mataga sa kanyang motorsiklo kaangkas si Joana Clarise Gabugan, 25, sa panulukan ng Cabatuan at Binhagan Street sa Bgy. 129, Bagong Barrio, nang nakarinig ang pulis ng mga putok ng baril kaya huminto siya para alamin kung saan nagmumula ang putukan.
Nabatid ni Mataga na kasama ang ilang tanod ay armadong hinahabol ni Romero si Michael kaya nag-warning shot siya at sinabihan ang barangay chairman na ibaba ang baril nito.
Hindi umano nakinig si Romero at binaril si Michael bago pinaputukan naman ang pulis, na gumanti at nabaril din ang punong barangay. (Orly L. Barcala)