Nina RAYMUND F. ANTONIO at ARIEL FERNANDEZ

Matinding perhuwisyo ang inabot ng libu-libong pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos mawalan ng kuryente ang paliparan ng halos limang oras, na nagsimula dakong 8:45 ng gabi nitong Sabado, at tumagal hanggang kahapon ng madaling araw.

At bunsod ng pagkakaipit sa power blackout, inulan ng batikos ang pangasiwaan ng NAIA Terminal 3 sa social media matapos na magpalipas ng gabi ang mga pasahero, hindi lamang sa loob ng pasilidad kundi maging sa loob ng mga eroplano na hindi pinayagang makaalis hanggang hindi naibabalik ang supply ng kuryente.

“We’ve been parked in the tarmac for 43 minutes now. Pilots have no communication with tower, we’re told,” tweet ng pasaherong si Gay Coral.

Pagbebenta ng ₱20/kilo ng bigas para sa mga senior, PWD, solo parents, sisimulan sa Mayo 2

Binatikos din ng isang pasahero, na nakilala lamang sa kanyang Twitter account bilang “Artur”, ang Manila International Airport Authority (MIAA) dahil sa kawalan ng aksiyon at abiso hinggil sa insidente.

“No update from the airport, people are lying on the ground, no free drinks,” batikos ni Coral.

Karamihan sa mga pasahero ay natulog sa konkretong sahig, mga bangko at aparador, habang tinitiis ang matinding init sa loob ng paliparan. Habang ang iba ay inabot ng matinding gutom dahil sa kawalan din ng mabibiling pagkain.

“The substation was able to relay stable power to the terminal starting 12:30 a.m. Terminal facilities were fully an hour and half later,” ayon sa official statement na inilabas ng MIAA.

“A substation of Meraclo at NAIA tripped causing Terminal 3 to lose power,” paliwanag ng airport management.