SINALUBONG ng matinding batikos buhat sa iba’t ibang grupo ang inilabas na komiks ni Sen. Bongbong Marcos.

Ipinakikita kasi nito na sila pa ang biktima nang buwagin ng mamamayan ang diktaduryang rehimen ng kanyang ama na si yumaong Pangulong Ferdinand Marcos. Sinadya marahil ng pagkakataon na masabay ang paglabas ng komiks sa naganap na marahas ng pagbuwag ng kilos-protesta sa Kidapawan, North Cotobato. Nais nitong panatilihin ang integridad ng kasaysayan na nais baluktutin ng komiks. Pangkaraniwan na ito sa panahong nasa kapangyarihan ang pamilyang Marcos na pinalalabas sa komiks na biktima ng kaapihan.

Galing sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Cotobato, nagtagpo ang mga magsasaka sa Kidapawan City upang dito idaos ang kanilang kilos-protesta. Kailangan nila ng tulong mula sa gobyerno matapos sirain ng tagtuyot, dulot ng El Niño, ang kanilang sakahan. Ang lugar nila ang naiulat na napinsala ng mahigit isang bilyong piso. Gutom ang kanilang reklamo. Subalit nang sila ay nasa harap na ng National Food Authority provincial office, binomba sila ng tubig.

Nang hindi pa sila matinag, pinagbabaril na sila na ikinamatay ng kanilang dalawang kasamahan. Sa halip na bigas, bala ang ipinakain sa kanila.

Sa panahon ni Pangulong Marcos, ganito ang inabot ng mamamayang nagsagawa ng kilos-protesta. Mga pulis at bumbero ay nagsanib-puwersa upang maitaboy sila sa malupit at marahas na paraan. Maraming nasawi sa kanila. Pero hindi lang gutom ang kanilang hinaing kundi kaapihan at kawalan ng katarungan.

Ang gobyernong dapat ay gobyerno ng taumbayan ay naging gobyerno ng isang tao na pinatakbo sa pamamagitan ng kamay na bakal. Inagawan nito ng lupain at ari-arian ang kanyang mamamayan. Ang mga nagreklamo laban sa kanya ay matatagpuang malamig na bangkay sa kanilang tahanan okaya’y sa mga masukal na lugar. Maraming dinukot at nawala.

Bumaha ng dugo at luha sa bansa. Sa gitna naman nito, nabuhay ng masagana at marangya ang pamilyang Marcos.

Upang maitugma sa katotohanan at kasaysayan ang komiks ni Sen. Marcos, dapat ay pinamagatan itong “Nang Sumampa ang Alon sa Dalampasigan.” Nag-alsa ang taumbayan laban sa kalupitan at kasakiman ng rehimeng Marcos. (Ric Valmonte)