Tiniyak ng Department of Health (DoH) na ligtas gamitin ang bakuna kontra dengue na sisimulan nang ipamahagi ng kagawaran ngayong Lunes sa mga mag-aaral ng pampublikong paaralan na edad siyam.
Ayon kay Dr. Lyndon Lee-Suy, tagapagsalita ng DoH, walang dapat ikabahala ang publiko laban sa bakuna kahit hindi pa nakukumpleto ng World Health Organization (WHO) ang review sa naturang produkto, dahil aprubado na ito ng Food and Drugs Administration (FDA) at sumailalim na sa masusing pagsusuri at pag-aaral.
Sinabi ni Suy na naabisuhan na rin nila ang mga magulang ng mga batang babakunahan hinggil sa mga benepisyo ng bakuna.
Nabatid na kabilang sa mga makikinabang sa libreng dengue vaccine ang mga siyam na taong gulang na mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa Regions 3, 4-A, at Metro Manila.
Aniya, napili ng DOH ang nabanggit na mga rehiyon dahil naitala sa mga ito ang maraming kaso ng dengue.
“Mahabang preparasyon ang ginawa, kasama na rito ang pag-orient sa mga magulang. Nakausap na nila ‘yung mga magulang, may schedule na ‘yung mga bata kung kailan dadalhin sa kanilang eskuwelahan kasama na ‘yung consent form,” ani Suy. “Sinisigurado po natin sa inyo na ginagawa natin ito para mabigyan ng proteksyon ang ating mga anak laban sa dengue.” (MARY ANN SANTIAGO)