Posibleng mamuhunan ang Pilipinas sa unang submarine fleet nito para protektahan ang sarili teritoryo sa pinagtatalunang South China Sea, sinabi ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Miyerkules.

Inaangkin ng China ang halos kabuuan ng South China Sea sa kabila ng magkakasalungat na pag-aangkin ng Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Taiwan at Brunei.

Sinabi ni Aquino na maaaring mawala sa kontrol ng Pilipinas ang buong west coast nito kapag nagtagumpay ang China sa pag-aangkin dito.

“We’ve had to accelerate the modernisation of our armed forces for self-defence needs,” sabi niya sa mga mamamahayag.

National

4.8-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Sur

“We are a natural transit point into the Pacific and we are now studying whether or not we do need a submarine force,” dagdag pa ng pangulo.

Ni-reclaim ng Beijing ang mahigit 1,174 ektarya sa South China Sea sa loob lamang ng halos dalawang taon ng puspusang kampanya ng pagtatayo ng mga isla, at nagpadala ng surface-to-air missiles sa isa sa mga pinag-aagawang isla roon, ayon sa Taipei at Washington.

Napakaliit ng militar ng Pilipinas kung ikukumpara sa China, sa kabila ng mga pagsisikap ni Aquino na maitaas ang defence spending at pagbili ng mga bagong warship at fighter jet.

Bumaling ang Pilipinas sa mga matagal na nitong kaalyado, ang United States, at sa dating kalaban noong digmaan, ang Japan, upang palakasin ang military hardware nito.

Hiniling din nito sa United Nations-backed arbitration panel na ideklarang illegal ang pag-aangkin ng China sa karagatan, at inaasahang lalabas ang desisyon sa huling bahagi ng taong ito.

Sinabi ni Aquino na ang iringan sa South China Sea “concerns every country” dahil maaari itong makasira sa kalakalan sa shipping lanes na dinaraanan ng halos tatlong bahagi ng langis ng mundo.

“The uncertainty breeds instability. Instability does not promote prosperity,” aniya.

Ngunit habang pinalalakas ng Pilipinas ang mga depensa nito, sinabi ni Aquino — bababa sa puwesto sa Hunyo matapos ang anim na taong termino — na bilang isang maralitang bansa nais iprayoridad ng pamahalaan ang “butter rather than guns.”

“We have no illusions of ever trying to match, trying to engage anybody in an arms race or in a military build-up,” aniya. (AFP)