SAN LEONARDO, Nueva Ecija - Isang hinihinalang drug pusher na sangkot sa patung-patong na kaso ang napatay ng pinagsanib na puwersa ng San Leonardo Police at Gapan City Police makaraang makipagbarilan sa awtoridad sa Purok 1, Barangay Castellano sa bayang ito, noong Lunes ng tanghali.

Kinilala ni Supt. Nelson Aganon, Gapan City Police chief, ang napatay na si George Ramos, 36, may asawa, ng Bgy. San Vicente, Gapan City, at numero unong wanted sa siyudad.

Tanghali nitong Lunes nang mamataan ni Ramos ang arresting team at pinaputukan ng kanyang .38 caliber revolver at nang gumanti ng putok ang mga pulis ay napuruhan ang suspek.

Naaresto rin ng pulisya ang dalawang kasama ni Ramos na sina David Calara, 43, tricycle driver, ng Bgy. San Vicente, Gapan City; at Paquito Esquivel, 43, ng Bgy. San Jose Nabao sa Jaen, na nakumpiskahan ng ilang plastic sachet ng shabu, marijuana, at ilang bala ng baril. (Light A. Nolasco)

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol