Arestado ang limang pinaghihinalaang miyembro ng “Salisi Gang” matapos pasukin ang isang drug store sa Valenzuela City, nitong Martes ng umaga.

Kinilala ni Chief Insp. Rommel Macatlang, hepe ng Special Investigation Division (SID) ang mga suspek na sina Divina Bueno, 30; Precy Guballo, 51; Imelda Santos, 46; Ronald Cornello, 20; at Jesus Abacar, 49.

Base sa imbestigasyon, nagpanggap ang anim na customer nang pumasok sa Cross Way drug store sa Capt. Cruz St., Parada, Valenzuela City, dakong 9:00 ng umaga, nitong Martes.

Nang makahakot na at maisilid sa isang bag ang ilang delata, damit at pagkain, kumaripas palabas ng establisimiyento ang mga suspek nang hindi nagbabayad sa cashier.

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

Agad ding sumakay ang anim sa isang Mitsubishi Adventure (PIZ-629) para mabilis na makatakas.

At dahil naitimbre ng sekyu sa pulisya ang plaka ng sasakyan ng mga suspek, agad na nagpadala ang Valenzuela City Police ng patrol team na nakakakita sa Mitsubishi Adventure habang nagpapakarga ng gasolina sa Fortune 1, Barangay T. De Leon, Valenzuela City.

Nagkaroon pa ng habulan sa pagitan ng dalawang grupo na tumagal ng mahigit 30 minuto bago tuluyang maaresto ng pulisya ang mga suspek. (Ed Mahilum)