TARLAC CITY – Nagmistulang eksena sa teleserye ang nasaksihan ng ilang residente habang sapilitang inaagaw ng isang lalaki ang dati niyang nobya mula sa karibal niyang tricycle driver hanggang pagsasaksakin niya ng ice pick ang huli at tinangay ang dating kasintahan sa Barangay San Nicolas, Tarlac City.

Kinilala ni PO3 Paul Parinas ang biktimang si Jaymar Palma, 31, tricycle driver, ng Zone 3-B, Bgy. Maliwalo, Tarlac City, na nagtamo ng saksak sa likod at inoobserbahan pa ngayon sa ospital.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang suspek na si Amante De Leon, Jr., nasa hustong gulang, ng Bgy. San Nicolas, Tarlac City.

Isinalaysay ni Palma na minamaneho niya ang kanyang tricycle kasama ang kinakasama at dating nobya ni De Leon na si Mely nang bigla siyang saksakin ng suspek ng ice pick sa likod.

Probinsya

Pusa hinagis sa dagat para sa content; dalawang menor de edad, timbog

Ayon sa report, kasabay ng paghandusay ni Palma sa semento ay puwersahang tinangay ng suspek si Mely at isinakay sa tricycle. Hindi pa tukoy ang kinaroroonan ng dalawa.

Sinisiyasat pa ang insidenteng ito na dulot ng love triangle. (Leandro Alborote)