Patay ang isang backhoe operator matapos matabunan ng gumuhong lupa habang umano’y nagsasagawa ng ilegal na treasure hunting sa Barangay Magsaysay, Polomolok, South Cotabato.
Kinilala ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ang biktima na si alyas “Boboy,” isang nasa hustong gulang na residente ng lugar.
Batay sa paunang ulat, naganap ang insidente bandang 9:00 ng umaga sa isang excavation site sa hangganan ng Barangay Magsaysay at Barangay Silway 8, partikular sa bahagi ng isang lupang sakahan na kilala bilang Sabano Farm.
Nabatid na ang biktima ay nagpapatakbo ng backhoe na ginagamit sa paghuhukay ng malalim na hukay, na umano’y may kaugnayan sa iligal na treasure hunting.
Ayon sa farm caretaker na si Roel Grande, nakarinig siya ng malakas na ugong mula sa lugar ng paghuhukay. Nang kaniyang suriin, nadiskubre niyang nagkaroon ng matinding soil erosion na nagresulta sa pagguho ng lupa at pagkatabon ng operator kasama ang mabigat na kagamitan.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), MDRRMO, at Bureau of Fire Protection (BFP) sa Polomolok. Pinangunahan ng Special Rescue Force (SRF) ng Polomolok Fire Station ang retrieval operation.
Ayon sa mga awtoridad, naging mahirap ang operasyon dahil sa dami ng lupang gumuho at lalim ng hinukay na lugar.
Ilang oras ding nagsagawa ng rescue operation ang mga tauhan bago tuluyang narekober ang biktima bandang 2:30 ng hapon. Gayunman, idineklara siyang dead on arrival ng doktor sa Polomolok General Hospital.
Kinumpirma ng mga awtoridad na natabunan ang biktima sa loob ng hukay na kaniyang hinuhukay. Lumalabas din sa imbestigasyon na ang ginagawang paghuhukay ay bahagi umano ng hindi awtorisadong treasure hunting sa lugar.
Muling nagpaalala ang MDRRMO at BFP na mapanganib ang ganitong uri ng aktibidad, lalo na kung walang sapat na permit at safety measures.
Samantala, nanawagan ang mga awtoridad sa pamilya ng biktima na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan para sa karagdagang impormasyon at mga kinakailangang hakbang.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang kabuuang pangyayari, kabilang ang posibleng paglabag kaugnay ng iligal na paghuhukay at treasure hunting.