Nilinaw ng National Capital Region Police Office (NCRPO), na hindi umano “anti-poor” ang pinaigting na pagpapatupad ng mga ordinansa sa Metro Manila sa ilalim ng kampanya laban sa iba’t ibang paglabag.
Ayon kay NCRPO Director Anthony Aberin, pantay ang pagpapatupad ng batas sa lahat ng mamamayan, anuman ang estado sa buhay.
“Wala pong anti-poor dito kasi yung ini-implement po natin ay batas po ito, ordinansa po ito. Ang batas po ay applicable to anyone, kahit mayaman ka o pobre ka, kapag nalabag po ang batas, huli ka. Ganoon lang po yun,” ani Aberin.
Ang pahayag ay kaugnay ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa sa ilalim ng “Safer Cities” o “Safer Metro Manila” initiative, kung saan libo-libong indibidwal na ang nahuli sa iba’t ibang paglabag.
Ayon sa mga ulat, tinatayang nasa mahigit 40,000 katao ang naitala ng NCRPO na lumabag sa mga ordinansa sa loob lamang ng unang dalawang araw ng operasyon. Kabilang sa pinakamaraming paglabag ang pag-inom at paninigarilyo sa pampublikong lugar, pati na rin ang curfew violations at iba pang public nuisance offenses.
KAUGNAY NA BALITA: Sa loob ng 3 araw: Higit 48k timbog sa 'Safer Cities Initiative'
Sa kabuuang bilang, libo ang pinagmulta, habang ang iba ay binigyan lamang ng babala, ayon sa pulisya. Layunin umano ng mas pinaigting na presensya ng mga pulis na mapigilan ang krimen at masiguro ang pagsunod sa mga umiiral na batas.
Gayunman, may mga umuusbong na pangamba mula sa publiko na maaaring maikumpara ang operasyon sa mas istriktong kampanya noong mga nakaraang administrasyon.
Sa kabila nito, tiniyak ng NCRPO na may mga hakbang upang maiwasan ang pang-aabuso, kabilang ang paggamit ng body-worn cameras at pakikipag-ugnayan sa mga barangay.
Nauna nang sinabi ng mga awtoridad na ang mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansa ay bahagi ng mas malawak na plano ng pamahalaan upang gawing mas ligtas ang mga komunidad sa National Capital Region.
Matatandaang inisa-isa ni DILG Sec. Jonvic Remulla kamakailan ang ilan sa mga ipagbabawal na gawain sa mga lansangan at lokalidad, na siyang tututukan ng mga awtoridad at papatawan na rin ng karampatang parusa.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Mga ikinasang pagbabawal ng DILG sa mga lansangan at lokalidad -Balita