Kinondena ni Senador Risa Hontiveros ang umano'y pambabastos ng isang TNVS driver sa aktres na si Xyriel Manabat.
Matatandaang na nag-post ng isang larawan ang isang TNVS driver na may ngalang "Boss Toyo Mansi" kasama si Manabat.
May caption itong, "ang laki ng bata na ’yan” at may komento pa sa comments section na "jak*l."
Ayon kay Manabat, hindi niya palalampasin ang malaswang pahayag ng driver tungkol sa kaniya.
“Hindi ko ’yan papalampasin. Hindi dapat gawing entertainment ’yan in any form. I hope the platform or app will do something about this. It is not petty,” aniya sa isang pahayag sa ABS-CBN News.
Dagdag pa niya, “Sobrang nagulat ako. Papunta lang ako ng work niyan — imagine gaano kahirap buhay ng babae. Nag-work ka lang, nagpa-pic lang — you are being kind, you are being a decent human being, you get this in return."
“It is never about the piece of clothing? Naka pang-work ako. Maayos ako nakipag-usap. Nag-tip pa ako. I hope your mom, family, sister, wife, daughter, makita nila 'to. Makitang ganyan ka na tao.”
Sa isang pahayag nitong Huwebes, Abril 9, kinondena ni Hontiveros ang naturang pambabastos umano sa aktres.
"Mariin nating kinokondena ang pambabastos kay Xyriel Manabat," pahayag ng senadora.
"Sa ilalim ng Bawal Bastos Law, bawal ang anumang sexual harassment—- pribado man, sa kalsada, sa loob man ng sasakyan, at kahit online. Malinaw na paglabag ito sa batas," ayon pa kay Hontiveros. "The driver may be specifically held liable for 'gender based online sexual harassment' which is punishable by imprisonment or fines under the Safe Spaces Act."
"May pananagutan din ang mga driver ng TNVS at PUV na panatilihing ligtas ang kanilang mga pasahero at umaksyon kapag may nang-aabuso," paglalahad pa niya.
Binanggit din ni Hontiveros ang ilang babaeng personalidad na nakaranas ng pambabastos kagaya nina: Anne Curtis, Angel Aquino, at Queen Hera.
"Huwag tayong manahimik o magbulag-bulagan sa harassment tulad nito. Respect is the bare minimum and should be non-negotiable."
Samantala, humingi ng paumanhin ang Grab Philippines kay Manabat dahil sa "unacceptable experience" na naranasan nito.
"What was reported is deeply concerning and does not reflect the standards we uphold on the platform," saad ng Grab PH.
"Upon our initial investigation, the driver-partner involved has been placed under preventive suspension. Grab affirms that such behavior constitutes a grave violation and is a bannable offense under our Driver Guidelines," dagdag pa nila.
Sinabi rin ng kompanya na nakikipagtulungan na rin sila sa mga awtorida.