Bagamat ilang araw na lang ang nalalabi sa termino ni Pangulong Aquino, tiniyak ng Malacañang na nakalatag na ang mga kaukulang reporma upang maproteksiyunan ang sistema ng pananalapi sa Pilipinas, bunsod ng pagkakadiskubre sa $81-million money laundering scheme na kinasasangkutan umano ng isang lokal na bangko.

“Habang patapos na ang termino lalo na ng kasalukuyang Kongreso, the groundwork is being laid for future reforms that will further improve the system,” giit ni Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO) Undersecretary Manuel Quezon III.

Tiniyak ni Quezon na papanagutin ng awtoridad ang mga nasa likod ng pinakamalaking money laundering scheme sa kasaysayan ng Pilipinas.

“Siyempre may mananagot na mga opisyal, lalo na roon sa bangkong apektado, at ‘yun nga ang inimbestigahan ngayon,” ayon kay Quezon.

National

‘Pinas, hindi babalik sa ICC – Malacañang

Sa kabila nito, ipinagmalaki ni Quezon na sa pangkalahatan ay gumagana nang maayos ang banking system sa Pilipinas.

Kasalukuyang nakatutok ang mata ng mundo sa Pilipinas matapos matuklasan ang $81-million money laundering scheme na nailipat sa isang sangay ng Rizal Commercial Banking Corporation (RSBC) mula sa Bank of Bangladesh at idinaan sa mga casino at remittance company sa Pilipinas.

Sinisisi ng international financial community ang umiiral na Anti-Money Laundering Act (AMLA) na hindi saklaw ang mga casino sa Pilipinas.

Naniniwala si Sen. Teofisto “TG” Guingona, chairman ng Blue Ribbon Committee, na malaki ang posibilidad na may sindikato sa likod na nangyaring money laundering sa RCBC-Jupiter Branch sa Makati City. (GENALYN KABILING)