Kinukuwestiyon ng United Nationalist Alliance (UNA) ang plataporma ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte laban sa krimen at kurapsiyon matapos lumabas sa annual audit report ng Commission on Audit (CoA) ang ilang iregularidad sa paggamit ng Special Education Fund (SEF) ng siyudad na umaabot sa P45.8 milyon. 

Kinuwestiyon ni Mon Ilagan, tagapagsalita ng UNA, kung bakit nagkaroon ng kuwestiyonableng paggamit ng pondo sa kabila ng mga pahayag ng alkalde na galit ito sa krimen at kurapsiyon.

Lumitaw sa CoA audit report na ginamit ng pamahalaang lungsod ng Davao ang P45,819,774.85 na mula sa SEF na hindi naaayon sa Republic Act No. 5447 o ang batas na nagtatatag ng SEF.

Dahil sa umano’y hindi tamang paggamit sa pondo, sinabi rin ng CoA na ikinalugi ng mga mag-aaral sa pampublikong paaralan na sana’y nakinabang sa mga proyekto sa ilalim ng SEF.

Eleksyon

COC Filing DAY 5: Mga naghain ng kandidatura ngayong Oktubre 5

Sa ilalim ng RA 5447, ang SEF ay maaari lang gamitin sa pagpapalawig ng mga mag-aaral na papasok ng Grade 1, pagpapaayos ng pasilidad sa mga elementary school, at pagbili ng mga textbook.

Dapat gamitin din ang SEF sa pagpapasuweldo sa mga public school teacher, pagbili o pagpapaayos ng mga kagamitan sa laboratory, educational research, scholarship grant, at pagpapalaganap ng physical education.

(Anna Liza Villas-Alavaren)