KASABAY ng sabay-sabay na pagpapatay ng sangkatauhan sa mundo ng mga ilaw laban sa global warming ngayong Sabado, marami ang makikisali sa mga kampanya sa email at social networking site na hindi man halata ay nag-aambag din sa climate change.

Sa ikasampung taon ng Earth Day, na inorganisa ng World Wildlife Fund (WWF) at suportado ng iba pang mga NGO sa layuning isulonga ng kamulatan tungkol sa matinding banta ng climate change, masasaksihan ang mga makasaysayan at popular na istruktura—mula sa Eiffel Tower hanggang sa Empire State Building at Taipei 101 sa Taiwan—na magdidilim eksaktong 8:30 ng gabi.

Hinihimok din ang mga indibiduwal na makibahagi at baguhin ang kani-kanilang pamumuhay upang mabawasan ang kanilang carbon footprints, na magbabawas sa greenhouse gas emissions na dahilan ng pag-iinit ng mundo.

Ang pagbibisikleta o pagsasama-sama sa iisang sasakyan papasok sa trabaho, pagbawas ng pagkain ng karne, pagpapababa sa thermostat kapag taglamig, pagiging isang ‘eco-responsible’ consumer—ilan lang ito sa maraming paraan upang magkaroon ng sariling kontribusyon, partikular sa mayayamang bansa na may mas mataas na per-capita CO2 emissions.

Gayunman, kasabay nito ay ang realidad ng mga aktibidad na carbon-polluting—mula sa pagpapalitan ng email hanggang sa pagtsa-chat sa social networking site, at panonood ng mga pelikula sa smartphone—na hindi napapansin at malinaw na nakalusot sa climate change radar.

Kung tutuusin, ang mga simpleng unit na ito ng ating virtual existence ay masasabing walang bigat at wala ring halaga.

Ang isang maikling email, halimbawa, ay tinatayang nagdadagdag lang ng nasa four grammes (0.14 ounces) ng CO2-equivalent (CO2e) sa atmosphere.

Kung ikukumpara, ang sangkatauhan ay naglalabas ng may 40 bilyong tonelada ng CO2 kada taon.

Ngunit habang lumalalim ang digital era, ang naipong dami ng mga virtual message ay naging malaking bahagi na ngayon ng carbon footprint ng sangkatauhan.

“Electricity consumption related to the growth of digital technologies is exploding,” sabi ni Alain Anglade, ng French Environment and Energy Management Agency.

Sa France, binubuo na nito ang mahigit 10 porsiyento ng kabuuang konsumo ng kuryente, aniya, ang porsiyento na marahil ay naitatala na rin sa maraming mauunlad na bansa.

Halimbawa, sa pagpapadala ng limang dosena ng four-gramme email sa isang araw mula sa iyong smartphone o laptop ay katumbas ng pagmamaneho ng isang karaniwang laki ng kotse nang isang kilometro (0.6 milya).

Paano nangyari? Ang greenhouse gases ay nalilikha hindi lang habang bukas at gumagana ang computer, server at router, kundi nailalabas din kapag binubuo ang nasabing kagamitan.

Dagdagan pa ng 1-megabyte (MB) attachment—isang litrato o imbitasyon, halimbawa—at ang nakonsumong kuryente ay magiging sapat na upang paganahin ang isang low-wattage na bumbilya sa loob ng dalawang oras.

Kung ang nasabing email ay ipinadala sa mailing list, i-multiply ito sa bilang ng padadalhan.

Kabilang sa email tips ng mga taranta sa nakokonsumong kuryente ang pag-iwas sa hindi mahahalagang recipient, pagtiyak na hindi malaking file ang mga attachment, at pagpapanatiling walang laman ang trash box.

Malaking tulong din kung hindi magpapaliguy-ligoy ang email—gumagana ang carbon counter habang binabasa ng recipient ang iyong napakahabang kuwento tungkol sa pamamasyal mo sa Disney World.

At nariyan, siyempre pa, ang spam, na tambakan ng mga anunsiyo at iba pang hindi importanteng pabatid.

Ayon sa anti-virus software maker na McAfee, tinataya sa mahigit 60 trilyong spam ang ipinadadala kada taon, naglalabas ng greenhouse gas emissions na katumbas ng sa tatlong milyong sasakyan na gumagamit ng 7.5 bilyong litro ng petrolyo. (Agencé France Presse)