SIMULA sa Hulyo 2016, wala nang trabaho si President Benigno Simeon Cojuangco Aquino III, alyas PNoy. Ito ang banner story ng BALITA, kahapon, Huwebes. Mapalad ka pa rin Mr. President dahil napakalaki ng iyong pensiyon bilang dating pangulo kumpara sa P2,000 pension hike na iyong ipinagkait sa mga ordinaryong pensioner nang i-veto mo ito, samantalang ang lalaki ng suweldo at allowance ng GOCCs officials, tulad ng Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS) at iba pa.

Anyway, ikaw naman ay talagang mayaman na, heredero ng Cojuangco at Aquino Family. Multi-milyonaryo ka pa rin. Bukod dito, ikaw ay binata at walang problema sa pagpapakain ng magiging asawa at mga anak.

***

Batay sa unang Social Weather Stations (SWS)-TV 5 Bilang Pilipino Mobile Survey, lumalabas na 66% ng mga Pilipino ay pabor sa desisyon ng Supreme Court (SC) na payagan si Sen. Grace Poe na tumakbo sa pagkapangulo. Ang SWS-TV5 ay isinagawa noong Marso 8-11, pagkatapos ihayag ng SC na walang balakid sa pagtakbo si Poe. Ang 66% ay sang-ayon sa SC ruling, 15% ang salungat, 16 ang undecided, at 4% ang nagsabing “Hindi ko alam.”

Samantala, isang grupo ng law expert ang hindi sang-ayon sa kapasiyahan ng SC kaugnay ng pagpapahintulot kay Sen. Grace na makatakbo sa panguluhan, tulad nina VP Binay, ex-DILG Sec. Mar Roxas, Mayor Duterte at Sen. Miriam Defensor-Santiago.

Binira nina FEU Institute of Law dean Melencio Sta. Maria, UP Law professor-election lawyer Edgardo Carlo Vistan II, at litigation lawyer Raymundo Fortun ang SC decision. Gayunman, iginagalang nila ang SC ruling bagamat hindi sila sang-ayon sa gayong desisyon.

Para kay Tata Berto, nagpasiya na ang Korte Suprema kaya dapat sundin ito dahil kung ito’y kakastiguhin at babalewalain, eh, bakit itinatag pa ang SC na final arbiter sa mga kaso na may kaugnayan sa interpretasyon ng mga batas?

***

Maraming pumupunang netizen kay Mayor Duterte tungkol sa lagi niyang pagbisita sa mga pari at obispo sa mga lugar na kinakampanyahan niya. Hindi pa rin kumbinsido ang mga tao sa kanyang sinseridad matapos murahin si Pope Francis na wala namang kasalanan sa pagbigat ng daloy ng trapiko nang bumisita ito sa ‘Pinas noong Enero.

Eh, bakit daw hindi si PNoy ang minura niya dahil siya ang nag-imbita kay Lolo Kiko? Hindi rin niya minura o sinisi si PNoy sa bigat ng trapiko noong APEC na ginawa sa Metro Manila sa halip na sa Subic o Clark na walang maaabalang mga tao at negosyo. Lagi pa rin umano nagmumura si Mayor Digong sa mga talumpati niya. (BERT DE GUZMAN)