STA. BARBARA, Iloilo– Kapag pinalad na maluklok sa Malacañang sa Mayo 9, tiniyak ng independent presidential bet na si Senator Grace Poe na hindi niya bibigyan ng pabor ang mga negosyanteng sumuporta sa kanyang pangangampanya.

Ito ang inihayag ni Poe bilang reaksiyon sa mga batikos sa umano’y pagsalag ng senadora sa mga isyu laban sa negosyanteng si Eduardo “Danding” Cojuangco, ang nagtatag ng Nationalist Peoples Coalition (NPC) na sumusuporta sa tambalan nina Poe at Sen. Francis “Chiz” Escudero.

Kamakailan, umani ng batikos si Poe matapos niyang ihayag na hindi dapat sisihin ang negosyante sa matagal na pagkakaantala sa pamamahagi ng multi-bilyon pisong coconut levy fund sa mga nagtatanim ng niyog.

Sa halip, itinuon ni Poe ang sisi sa gobyerno dahil sa mabagal nitong pagpoproseso ng pondo na ilang dekada nang hinihintay ng mga coconut farmer.

Eleksyon

Ex-Pres. Duterte, babawiin kandidatura bilang alkalde ng Davao City; tatakbo umanong senador

Pumalag si Poe sa bansag sa kanya ng mga kritiko na “Poejuangco” dahil wala aniyang katotohanan na may kapalit na pabor ang pag-endorso sa kanya ng NPC, isa sa pinakamalalaking partido sa bansa.

Aniya, wala dapat ikabahala ang publiko dahil hindi niya isinikreto ang pag-endorso ni Cojuangco na kilala ring “kingmaker” sa larangan ng pulitika sa bansa. (HANNAH L. TORREGOZA)