PARA na ring inamin ni Pangulong Noynoy Aquino na ginawa siyang tanga ni Sen. Grace Poe o nagmukha siyang tanga nang hirangin niya si Pulot bilang chairperson ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) noong 2010. Ayon sa solterong pangulo, akala niya noon ay walang isyu sa citizenship si Sen. Grace.

Nang magbaba ng desisyon ang Supreme Court (SC) na puwedeng tumakbo sa pagkapangulo si Sen. Poe, nagulat umano si PNoy kaya hiniling niya sa SC na liwanagin ang citizenship laws upang malaman kung ano ang mga basehan kung bakit binaligtad nito ang kasong diskuwalipikasyon ng Commission on Elections (Comelec) laban kay Grace.

Bakit hindi tinanong ni PNoy nang hirangin niya si Ampon kung wala siyang problema sa citizenship? Bakit hindi nag-background check ang kanyang mga adviser kung si Poe ay Amerikana ba o Pilipina? Bakit hindi rin niya tinanong si Grace noong “nililigawan” niya ito para maging katambal ni Mar Roxas sa 2016 election?

Samantala, sinabi ni Sen Grace na handa niyang ibigay kay PNoy ang lahat ng impormasyon na nais nitong malaman tungkol sa kanyang citizenship at residency. Ayon kay Pulot, nagulat daw siya sa pahayag ni PNoy ngunit handa siyang magkaloob ng mga dokumento upang ganap na maintindihan nito ang kanyang kaso.

Ang pulitika ay talagang nakagugulat. Akalain ba ninyong magkatabi pa sina PNoy at Vice President Jojo Binay sa graduation rites ng Philippine National Police Academy Class 2016 na ginanap sa Camp General Mariano Castaneda, Silang, Cavite.

“Nag-usap kaya ang dalawa?” tanong ng kaibigan kong senior-jogger. Ibinulong kaya ni PNoy kay VP Binay na kung ito ang magiging presidente, hindi siya ipakukulong. Kung sa ordinaryong mga tao nangyari ito, hindi sila magkikibuan o kaya’y magbabatian.

***

Pumanaw na si ex-Sen. Jovito Salonga sa edad na 95, noong Huwebes, sa Philippine Heart Center. Siya ay itinuturing na statesman at freedom fighter noong panahon ng diktadurya. Siya ang Senate President nang ipasiya ng Senado na wakasan na ang pananatili ng US bases sa Pilipinas. (BERT DE GUZMAN)